October 16, 2013

Toting's Mouth: Four Descriptions

Toting's most prominent physical feature was his lack of front teeth. For this exercise, I had to describe that feature in four different ways.

Neutral Description

Nasa tatlumpu’t dalawa ang normal na bilang ng ngipin sa isang lalakeng nasa hustong gulang, ngunit si Toting ay mayroon lamang dalawampu’t apat. Kulang ng walo ang kanyang mga ngipin, isa sa baba, sa bandang kaliwa; at pito sa itaas, sa bandang gitna. Ito ang dahilan kung bakit madalas siyang tinatawag na “Bungal”.

Isang malaking espasyo ng gilagid sa gitna at tigatlong mga manilaw-nilaw na ngipin sa dalawang sulok ang iniwan ng kakulangang ito. Halos kumpleto naman ang mga manilaw-nilaw rin niyang mga ngipin sa ibaba, maliban sa isang butas. Pantay-pantay ang mga ngiping naiwan.

Hindi na siya nagsusuot ng pustiso matapos masira nang kanyang pustiso ilang buwan na ang nakararaan. Wala pa kasi siyang pambili ng kapalit. Halos sampung libo ang halaga ng pinakamurang pustisong maipagagawa para sa kanya, ayon sa dentista sa pampublikong health center na malapit sa kanila.

Sa pagitan ng manipis at nangingitim niyang mga labi ay may nakasabit na sigarilyo, na tuwi-tuwina’y hinihithit at tinataktak. Nang tanging upos na lang ang naiwan sa sigarilyo ay inihagis niya ito sa kalsada at tinapakan. Dumukot siya sa bulsa ng isang Maxx menthol candy na dilaw (lemon), binalatan, ibinulsa ang balat, at isinubo ang laman.

Repulsed Description


Hilaw na karneng nakalawit ang gilagid kung walang nakakabit na mga ngipin. Karneng di maingat ang pagkakahiwa dahil hindi pantay-pantay ang mga gilid at ang ilan ay may bahid pa ng dugo. Karneng nakalatag sa mga puwesto sa palengke, nakasabit mula sa mga bakal na kawitan.

Ganu’n ang itsura ng gilagid ni Toting.

Maliban sa anim na nangungunyapit sa karneng gilagid ay wala nang natirang ngiping pang-itaas. (Halos kumpleto naman ang nasa ibaba, maliban sa isang butas.)

Sumisirit ang kanyang laway sa tuwing nagsasalita, sumisirit palabas sa awang na likha ng kakulangan ng mga ngiping pangharang. Madalas itong panis dahil bihira siyang magsalita.

Wala siyang suot na pustiso.

Hitik na hitik ang kanyang mga gilagid, parang maliliit na pulang lobong nag-aanyayang putukin ng karayom.

Sige ang paghithit-buga niya nang yosi. Tuwi-tuwina’y umuubo siyang tila nag-iipon ng plema at dumudura nang malakas sa kalsada, malapit sa kanyang mga paa.

Enamored Description


Naging paborito na niyang libangan ang laruin ng dila ang loob ng kanyang bibig, lalo na tuwing mainit ang panahon. Sisimulan niya ito sa pagdila sa manipis niyang mga labi, at pagkatapos ay itutuloy sa pagpapalandas ng dila sa loob ng mga ngipin at gilagid. Nililinis, binabasa, at dinadama niya ang bawat sulok at bahagi.

Kapag nagsawa na ay nagsisindi siya ng sigarilyo at nagbubukas ng kendi upang paliguan ng pinaghalong katas ng Maxx menthol candy na lemon at usok ng sigarilyo ang loob ng kanyang bibig, panlaban sa mabahong hininga.

Ang awang na likha ng kakulangan ng ngipin ay hahagurin niya nang hahagurin ng lambot ng dila at tigas ng kendi hanggang makaramdam siya ng lamig. Pantawid niya ito dahil tuwing umaga at gabi lang siya nakakapag-sepilyo.

Bawat hagod ng kendi at hithit ng yosi ay paglilinis din ng mga duming naipon, at lunas sa pagkapanis ng laway sa maghapon.

Metaphorical Description

Matikas pa rin ang tindig ng mga ngiping naiwan. Nasa dalawampu’t apat ang kanilang bilang: anim sa hanay sa itaas, at ang iba’y nasa hanay sa ibaba. Tuwid at pantay-pantay ang kanilang pagkatatayo, mga unipormadong kawal sa madilim yungib. Manilaw-nilaw ang dating puti nilang mga uniporme.

Tanging ang malaking espasyo ng gilagid sa bandang itaas ang tanda ng mga bumagsak nilang kasamahang nasa walo ang bilang. Wala na ang pustisong dati’y nagtatago sa kanilang kinahinatnan. Paminsan-minsan, tulad ngayon, may pagdurugo sa naiwang laman.

Nakatago ang kanilang hanay sa likod ng mga manipis labing madalas ay may nakaipit na sigarilyo. Pinaliliguan sila nito ng usok at laway na pinababanguhan ng Maxx menthol candy na lemon, binabalot sa magkahalong tamis at tapang.

May awang man sa gitna ng kanilang kinatatayuan ay hindi balakid sa patuloy nilang sama-samang pakikipagsapalaran. Ang buhay ng mga naiwang ngiping kawal ay buhay ng ugnayan mula simula hanggang wakas.

No comments:

Post a Comment