Kulay abo pa ang langit. Tanging huni ng mga ibon, andar ng mangilan-ngilang mga sasakyan, at kaluskos ng mga walis-tingting sa kongkretong kalsada ang maririnig sa paligid. Wala pang isang oras buhat nang sumikat ang araw sa Kamaynilaan, at hindi nagmamadali sa pagbangon ang lahat—tao man, hayop, o sasakyan.
Hindi pa man lumiliwanag nang husto ay naglalakad na si Miriam mula sa kanyang boarding house sa Dominga Street papunta sa pinagtatrabahuan niyang fastfood sa Taft Avenue. May iilan siyang kasabay na bumabagtas sa kalsada, na halos lahat ay mabibigat na mga paa. Si Miriam man ay inaantok pa ang mga hakbang, at makailang beses na itinakip ang kanang kamay sa kanyang bibig upang naghikab.
Pero sa lumang gusali na isa sa pinakamalaki sa Dominga Street ay wala pang senyales ng buhay. Tahimik pa ang loob ng lagpas-tao nitong mga pader, at walang paggalaw maging ang mga dahon at sanga ng mga puno at halamang nakapaligid dito. Hitik sa bunga ang manggang nakatayo malapit sa tarangkahan ng gusali, samantalang namumukadkad naman ang kayrami sa mga bulaklak sa kani-kanilang mga paso.
Habang papalapit doon ay napansin ni Miriam na tumatawid sa kabila ng kalsada ang mga naglalakad bago pa man mapatapat sa lumang gusali. Walang nag-aaksaya ng tingin dito. May isa pa ngang nagtakip ng tenga, na tinanggal na lamang muli nu’ng makalampas na. Binibilisan nilang lahat ang paglalakad.
Gayundin, binilisan ni Miriam ang paglalakad nang mapatapat sa itim nitong tarangkahan.
“Pssst.”
Luminga-linga siya, ngunit walang nakitang tao sa malapit.
“Pssst.”
“Pssssst.”
Iginala niya muli ang tingin. Nang wala pa ring makitang tao ay binilisan niyang lalo ang paglalakad, iniyakap sa sarili nang mahigpit ang suut-suot na backpack, at marahas na kiniskis ng mga kamay ang mga balahibong nagsitayuan sa kanyang mga braso.
Nang makalampas na sa wakas sa malawak nitong tarangkahan ay lumingon siya at tumingala sa beranda sa ikatlong palapag ng gusali. Wala ring tao roon, ngunit kumakaluskos ang mga sanga ng bugambilya.
Nag-iwas siya kaagad ng tingin, at dali-daling tumawid sa kabila ng kalsada.
Maging si Toting ay humihikab pa rin habang minamaneho ang kanyang pedicab papunta sa direksyon ng Taft Avenue. Habang pumapadyak ay sinusuklay niya ng isang kamay ang buhok at nililinis ang kanyang mga mata.
“Bungal, aga mo, ah!” Sigaw ng isang kapitbahay na nadaanan niyang nagwawalis.
“Pasukan, p’re! Sayang ang kita!” Pasigaw niya ring sagot, habang matulin pa ring nagmamaneho.
Mabilis ang kanyang andar sapagkat halos bakante pa ang kalsada. Hindi niya kaagad napansin ang babaeng biglang tumawid, at nanlaki na lamang sa gulat ang kanyang mga mata nang tuluyan nang mabangga ito ng kanyang pedicab at mabuwal sa gitna ng daan.
“Ma’am, pasensya na, Ma’am! Tumawid naman kasi kayo bigla, Ma’am, di ko na ho kayo naiwasan.”
Napangiwi si Miriam. “Aray… Aray ko… Manong, ano ba ‘yan?!? Ang bilis naman kasi ng takbo mo!” Hinaplos-haplos niya ang kaliwa niyang hita.
“Eh, Ma’am, kayo naman ho kasi ang tumawid nang di tumitingin.”
“Kasalanan ko pa ngayon?”
Tinulungan siya ni Toting na tumayo. “Ang sakit… Tsaka nadumihan ang suot ko!” Pinagpag ni Miriam ang alikabok na kumapit sa sa kanyang puwitan at sa laylayan ng polo shirt niyang may etiketang McDonald’s. Tumingin siya sa relo. “Mali-late na talaga ako nito.”
“Bakit ho ba kasi bigla-bigla namang kayong tumawid, Ma’am?”
Napaangat ng tingin si Miriam sa lumang bahay. Wala pa ring gumagalaw rito.
Bago pa man siya makasagot ay tumunog ang kanyang cellphone. Tumingin muna siya ulit sa relo bago niya ito sinagot.
“Hello? Oo, alam ko. Pasenya na, naaksidente kasi ako.”
“Oo, ayos lang, di naman ako nasaktan. Pedicab lang. Sira! ‘Wag kang tumawa, ang sakit kaya ng katawan ko!”
“Sabihin mo kay Madam, emergency, puwede? Ako na’ng kakausap sa kanya mamaya.”
“Mainit ba’ng ulo? Shit. Oo, bibilisan ko. Malapit na’ko d’yan.”
Ibinulsa niya ang cellphone.
“Pasensya na talaga, Ma’am. Hatid ko na lang kayo. D’yan ba kayo sa Taft?”
Nagkibit-balikat si Miriam. “Magkano?”
“Libre ko na, Ma’am! Sakay ka na!”
Bago siya pumasok sa pedicab ay tumingala muli si Miriam sa beranda ng lumang gusali. Isang matandang babaeng may mahaba at puting-puting buhok ang nakita niyang nakatayo rito. Dinidiligan nito nang maigi ang kaharap nitong bugambilya, tinatanggal ang mga tuyong dahon at sanga. Nag-angat ito ng tingin at tumitig sa kanya. Ngingitian siya nito nang matamis at pagkatapos ay muli nitong itinuon ang pansin sa halaman.
Napatingin din si Toting sa tinitingnan ni Miriam.
“Kilala n’yo ‘yan, Ma’am?”
“Hindi nga, eh. Ikaw?”
“Sabi ng asawa ko propesora ‘yan dati d’yan sa Taft. Pero nag-ulyanin hanggang mabaliw na. ‘Yan problema sa matatalino, eh,” tawa ni Toting.
“Balita naman sa’min unang asawa raw ‘yan ng isang sultan sa Mindanao. Pinatayuan ng bahay dito sa Maynila. Nu’ng nakarami nang asawa ‘yung sultan, inayawan na niya at dito na lang nagpaiwan. Di na nga lang siya sinuportahan kaya naghirap na rin kinalaunan.”
“Siguro di magkaanak kaya pinalitan...”
“Hindi naman, Manong. Puwede naman sa kanila ‘yung maraming asawa...”
“Parang wala naman kasing anak na kasama d’yan o dumadalaw man lang. Tagal ko nang bumibiyahe dito pero wala naman akong napapansing ibang tao d’yan.”
“Meron naman siguro siyang kasama, Manong, grabe ka naman. Ang dami kayang halaman sa paligid. Di na niya ‘yan kayang alagaan!”
“Malay mo, engkantada, may powers.”
“Wow, Manong! Sa’n mo naman nakuha ‘yan?”
“Aba, di natin alam. Hintayin mo, ‘pag namatay lahat ng halaman d’yan ‘pag namatay ‘yung matanda, engkantada nga ‘yun!”
“Pero ang totoo, Manong, lagi akong may nararamdamang kakaiba tuwing dumadaan d’yan. Minsan may sumusutsut pa—di ko alam kung tao o multo.”
“Naku, di kayo nag-iisa, Ma’am. Horror house nga tawag ng mga pedicab drayber d’yan, eh.”
“’Wag n’yo nga akong takutin, Manong.”
“’Wag na kasi kayong maglakad, Ma’am. Tingnan n’yo, naaaksidente pa tuloy kayo. Pasundo kayo sa’kin lagi, gusto n’yo?”
“Pag-iisipan ko. Ano ba’ng pangalan mo, Manong?
“Toting,” malakas niyang sagot. “Pero Bungal ‘yung tawag nila sa’kin.” Halos pabulong na kasunod. Pamumulahan siya nang bahagya.
Iniwas ni Miriam ang kanyang tingin sa kausap. Yumuko siya para pumasok sa pedicab.
“Pssst.”
Awtomatikong napalingon ang pasakay na sanang si Miriam.
“Pssst.”
“Narinig mo ‘yun, Manong?”
“Alin?”
“Wala.”
Sa loob ng pedicab ay pinagkiskis ng dalaga ang kanyang mga palad at hinipan ang mga ito upang labanan ng init ang lamig ng umaga at ang kilabot na muling nagpatayo sa kanyang mga balahibo.
“Ano’ng oras na, Ma’am?”
“Alas-siyete pasado. Late na’ko.”
“Ako rin, eh. Hinahabol ko sana’ng pasukan ng mga estudyante.”
Lumingon pang muli sa beranda si Toting bago tuluyang magmaneho palayo. Sinuklian siya ng matalim na titig ng matanda.
“Baliw,” bulong ni Toting, na nginitian lang ng katitigan.
Pag-andar ng pedicab palayo ay naging bungisngis hanggang tuluyan nang maging halakhak ang ngiti ng matanda.
Kinagabihan pauwi ay isang maingay na kumpol ng mga tao, pedicab, at jeep ang nadaanan ni Miriam sa kalsada sa paligid ng lumang gusali.
“Ano kaya’ng mangyayari d’yan sa bahay, ‘no, p’re? Pustahan, gagawing condo ‘yan,” narinig niyang sabi ng isang drayber.
“Tiba-tiba ang magmamana n’yan. Ang lapit lang nito sa mga eskwelahan, mababawi agad ang panggawa ng condo,” sagot ng kausap nito.
“Pssst! Ma’am! Ma’am!”
Natanaw agad ni Miriam si Toting at ang pedicab nito. Naglakad siya papunta rito.
“’Etong si Ma’am ang magpapatunay na malakas pa ‘yung matanda kaninang umaga! Nakita namin,” sabi ni Toting sa dalawang kausap niyang pawang nakasakay pa rin sa kanilang mga minamanehong pedicab.
“Ano ho bang nangyari, Manong?” tanong ni Miriam.
“Namatay na raw ‘yung matanda d’yan, eh.”
“Ha? Kelan pa?”
“Kanina lang daw, di pa alam kung anong oras. Basta nakita na lang daw na nakahiga sa kama, patay na.”
“Sino’ng nakakita?”
“‘Yung anak. Bumisita raw kanina. Galing nga raw Mindanao, akalain mo!”
“May anak pala, tapos di man lang sinamahan ‘yung matanda d’yan sa bahay,” sabad ng isang kausap ni Toting.
“Baka naman inatake sa gulat ‘yung matanda nu’ng makita ang anak niya! Long time no see,” tumatawang sabi naman ng isa.
“Suwerte ng anak! Di naman magluluksa ‘yun! Ang laki ng mamanahin n’ya!”
Sinundan ni Miriam ng tingin ang itinuro ng drayber. Mula sa kanilang kinatatayuan ay mistulang tore o kastilyo ang gusali kumpara sa mga katabi nitong mga bahay, tindahan, at barung-barong sa Dominga Street.
Napadako ang tingin ni Miriam sa bugambilya sa beranda na nahagip ng ilaw ng poste sa kalsada. Gumalaw-galaw nang bahagya ang mga dahon nito, at pagkatapos ay napuspos nang dahan-dahan ang iilan nitong mga bulaklak sa simoy ng hangin.
(Note: Ernest Hemingway was known for his "show-don't-tell" style of writing fiction. As a writer, he "disappears" behind the story and lets the characters tell it themselves through dialogue and limits his descriptions to what can be observed. In his stories like "The Killers" and "Hills Like White Elephants", the reader gets the sense of being in the scene and witnessing it with his very own eyes “as
is”. This short story is an attempt at writing in his style.)
No comments:
Post a Comment