October 16, 2013

Freewriting No. 3: Toting's Stream of Consciousness

Tangena, baka niloloko lang ako nila Pido. Seryoso nga bang magbibigay ng panalo sa pusta ‘yun? Eh suwapang ‘yung lokong ‘yun eh. Mamaya na’ko sasagot, makapagtanung-tanong muna, mahirap na. Tsaka siyempre aalamin ko muna kung sino may pag-asang manalo. Papa-Internet ko kay Josephine para sigurado. Tangena, hirap na kitain ng 300 ngayon. Minsan maghapon nang pumapadyak di pa umaabot kita du’n. Pero sayang din ‘pag nanalo eh. 600 din ‘yun. Makabawas man lang sa utang.

Sana umulan para makadilihensya ako. Parang si Pido. Tangena nu’n, nakaisa. 900 sa isang araw? Gago talaga. Pa’no, ang aarte naman daw kasi ng mga estudyante dito. Ayaw tumapak sa baha eh buong Maynila baha na nga. Anong gusto nila? Lumipad? Sabagay sanay kasing naka-kotse tsaka mahal na sapatos. Eh anong silbi ng mga ‘yan sa baha? Di bale, buti na rin napagkikitaan.

Sayang, nakatulog ako kanina. Sayang din ‘yung kita. Pero buti na rin, nakapahinga. Lakas tama nu’ng ininom namin kagabi. Galante talaga magpa-inom si Pido. Pusta siguro nang pusta sa kung anu-ano ‘yung gagong ‘yun.

Anong oras kaya labasan ng mga estudyante ngayon? Labo kasi paiba-iba eh di ko matiyempuhan. Makapagtanong nga sa pasahero mamaya. Tangena ‘yung bagong guwardiya ang sungit eh. ‘Kala mo may-ari ng eskwelahan, ayaw sagutin kung anong oras ang labasan!

‘Pag ako, yumaman… Tangena, kayod nang kayod nang kayod pero walang asenso. Ni walang pantaya sa lotto, pa’no mananalo?

Gutom na’ko ah. Uwi na kaya muna ako? Sarap nu’ng niluluto ni Misis kanina. Pritong galunggong. Peyborit! Tutal, wala namang pasahero. Tangena, ‘wag kang tamad, Toting, gago. Ano baon ng mga anak mo bukas? Gamot ng bunso mo? ‘Yan, gago, tangena, uwi ka pa?

‘Ayun, may palabas. Tangena, ang taba nito, arangkada na naman ‘to sa tuhod. Buti walang kasama kundi sa Alaxan lang mapupunta bayad nito.

“Ma’am, dito kayo sa’kin!” Gago pala kayo eh, di n’yo pinapansin eh tapos magagalit kayong nauna ako. Gaguhan ba’to? Sa’kin ‘yan sasakay, mga bastos kasi kayo.

“Gud ibning, Mam! Sa’n po kayo?”

‘Yown! Kung sinusuwerte ka nga naman. Ang lapit lang! Makauwi na muna pagkatapos at nang makahapunan.

“Kayo na bahala, Ma’am. Pang-gamot lang ng bunso ko.”

“Baby pa po. Nagtatae, Ma’am.”

“Lord God, bless us.” Makapagkrus na rin para sigurado. Tsaka makahimas sa rosary. Epektib daw ‘to sa pasahero sabi ni Pido eh. Naaawa siguro. Lumalambot ang puso. Tangena, ginagamit ko pa Diyos sa kalokohan ko, gago talaga. Sorry, Lord. Bawi bukas.

No comments:

Post a Comment