October 16, 2013

Freewriting No. 2: Toting's Last Dream

Wala nang ulan, pero dagat na ‘yung Taft. Kulay asul ang tubig at may rumaragasang mga alon, paroo’t parito, walang tigil. Pihado niyang maalat din ito ‘pag tinikman, parang dagat talaga. Hindi na muna niya inisip kung paano ito nangyari, ang iniisip lang muna niya ay kailangan niyang makauwi. Hinihintay siya ni Marina at ng mga bata.

Pinipilit niyang pumedal para umandar ang pedicab niyang lubog na sa tubig ang kalahati, pero hirap na hirap siya. Sa kabila nito ay umaandar naman siya dahil mula sa Torre Lorenzo sa kanto ng Taft at ng Pablo Ocampo ay nakarating siya sa 7-11 sa kanto ng Pablo Ocampo at ng Dominga.

Saka lang niya nilinga ang paligid. Nakapagtatakang walang ibang mga sasakyan o tao sa daan. Ang mga tao’y nasa gilid lamang at nagsisipagkapitan sa mga poste o anumang kanilang mahawakan upang di tangayin ng mga alon. Naisip kaagad niya ang mga anak niya. Ang liliit pa ng mga ito at ang papayat, lalo na ang bunsong sanggol pa. Si Marina ay gayundin.

Nakaliko na siya sa Dominga kung saan naroroon ang bahay nila nang makaramdam siya nang bahagyang kirot sa kanyang hinlalaki. Pagkakita niya’y agad niya itong sinubukang itaas ngunit, imposible. Ano nga ba ‘yung sakit na kumakalat tuwing bumabaha? ‘Yung nakukuha sa ihi ng daga? Nakapanood siya ng balita tungkol du’n dati pero di niya matanda-tandaan ang pangalan ng sakit.

Sa wakas ay malapit na siya sa bahay nila. Walang tao sa Dominga habang naglalakbay siya. Sarado ang mga kabahayan at wala kahit ang ingay ng ni isa mang kapitbahay. Natanaw niya si Marina at kanilang mga anak na nakakapit sa kongkretong gate ng kapitbahay. Ang kawayan nilang bakod ay nawasak na. Atungal nang atungal ang sanggol na hawak-hawak ng asawa niya sa isang kamay. Gumegewang-gewang ang apat sa mga along rumaragasa rin nang paroo’t parito rin sa kalyeng ‘yun, walang tigil.

Nakaramdam siya ng kagustuhang umihi, at naisip niya kung mahahalata ba nilang umiihi siya habang pumepedal palapit sa kanyang mag-anak. Tiningnan niya ulit ang tubig. Dark blue. Hindi naman katulad nang sa swimming pool kung saan mahahalata nang husto ang dilaw na ihi. Di rin naman nila maaamoy ang panghi dahil tiyak na tatangayin din ito agad ng mga alon.

“Toting, bilisan mo, hirap na hirap na kami,” sigaw ni Marina na tila umiiyak pero dahil basang-basa pa tubig-ulan ang mukha nito at buong katawan ay di siya sigurado. “Sandali na lang, malapit na,” sagot niya, habang binibilisan lalo ang pagpedal kahit na halos mawasak na ang tuhod niya sa hirap.

Naramdaman niya ang paglabas ng masaganang ihi sa kanyang katawan, at nakaramdam siya nang panandaliang ginahawa.

No comments:

Post a Comment