October 16, 2013

Freewriting No. 1: Where Toting Came From

Pustahan ang usapan sa back gate ng Benilde, sa Leon Guinto Street—pustahang NBA, kahit ang totoo’y walang ni isa man sa kanilang nasusubaybayan ang mga laro nu’n. Ang alam lang nila sa pakikinig ng balita, mainit na ang bakbakang Heat at Spurs sa finals. 300 ang hinihinging pusta nu’ng kaibigan niya, di pa niya alam kung papatulan niya kasi sayang naman ang pera kung matalo. Gamot din ‘yun para sa nagtataeng si Marijo. O baon nina Josephine at Marian sa eskwela.

Hindi ko kaagad nakita ang pedicab niya nu’ng palabas ako sa gate. Hindi kasi siya kasama sa mga nakapila malapit sa mismong labasan. Pero dahil di ako pinansin ng ibang mga nakaparada, siya ang tinanguan ko nu’ng sumigaw siyang “Ma’am, dito kayo sa akin.”

Gabi na siya nakalabas ngayon kasi sinamahan niya sa health center sa Dominga ang asawa niya para patingnan si Marijo na tatlong araw nang nagtatae. Iyak nang iyak ‘yun sa magdamag, at sirit nang sirit ang puwit. Sabi ng doktor, diarrhea lang naman daw ang sakit, at uso raw ‘yun ngayong tag-ulan, pero dapat bantayan nila kasi baka matuyuan.

Pagkatapos nilang bumili ng gamot ay tinamad na siyang mamasada dahil sa init. Humilata siya sa paborito niyang bangkong kawayan at nanood ng Eat Bulaga, at sandaling nangarap na sana bahay naman nila ang dayuhin nina Jose at nang maambunan naman sila ng grasya. Isa pa, idol niya ‘yun sa pagpapatawa, kaya kahit walang pera, ayos na rin.

Pagkagising niya ay medyo madilim na. Napahaba ng tulog niya at di naman siya ginising ng kanyang asawa. Palibhasa’y birthday ng kapitbahay nilang drayber din kaya napainom siya kagabi. Siguro’y hinayaan na lang siya nitong bumawi ng tulog. Nagluluto na ito ng hapunan habang tulog pa ang bunso at natanaw niyang naglalaro sa kalye ang dalawang bata.

Dahil wala namang ibang magawa at lumamig na ay nagdesisyon na siyang lumabas. Suwerte na kung makaka-300 pa siya ngayong gabi na—puwera kung umulan nang malakas. Nu’ng isang araw ‘yung kapitbahay nila naka-900 dahil sa bagyo, sinamantala ang mga estudyanteng ayaw lumusong sa baha kaya nagpapatawid sa pedicab papunta sa mga kotse o condo nila, at handing magbayad kahit hanggang 250 para sa maiksing biyahe. Kinuha niya ang sando niyang nakasabit sa pako sa likod ng pinto at inamoy. Di pa masyadong mabaho kaya isinuot niya. At pagkatapos ay nagsindi ng yosi at sumampa sa pedicab na nasa labas lang ng pinto.

No comments:

Post a Comment