Neutral Description
Kung pagbabasehan ang estilo ng pagkakayari, materyales nitong kahoy at kongkreto, at pintura nitong dating puti ngunit ngayo’y naninilaw na at nababakbak, luma na ang tatlong-palapag na gusali.
Nakatayo ito sa isang kalsada malapit sa Vito Cruz, nababakuran ng kongkretong pader at itim na tarangkahang parehong lampas-tao ang taas.
Halos wala itong ipinakikitang pahiwatig ng mga nakatira o ng mga kaganapan sa loob, maliban sa isang kotseng itim na minsan sa isang buwan ay umaalis mula dito nang umaga at bumabalik din nang hapon.
Sa unang dalawang palapag ng gusali ay walang bintana o pintong makikita mula sa kalsada, kabaliktaran sa ikatlong palapag kung saan may malaking berandang gawa sa kongretong hanggang baywang ang taas na nakaharap sa daan.
Sa kaliwang bahagi ng ikatlong palapag ng gusali ay may pintong laging nakabukas, palabas sa beranda at papasok sa isang maliit na kusina at lababo. Sa bandang kanan ng pinto ay may bintanang lagi ring bukas, kung saan matatanaw sa labas ang gusali sa kabila ng kalsada at sa loob ang isang malaking TV na buong araw nakabukas sa ABS-CBN. Sa tabi ng bintana ay may nakatayong bakal na sampayang tatlong metro ang haba, kung saan may nakasabit na mga damit-pambabae. At sa tabi ng sampayan, sa dulo ng beranda, ay may malaking paso ng bugambilya na ang mga sanga, dahon, at bulaklak ay tumitilapon pababa mula sa kongkretong beranda.
Enamored Description
Nag-uunahang tumakas mula sa balkonahe sa ikatlong palapag ng gusali ang mga sanga, dahon, tinik, at bulaklak ng bugambilya, ngunit tanging ang mga nalalagas sa kanila ang nagtatagumpay na makababa.
Kinukulayan nila ng berde at rosas ang naninilaw na pintura ng tatlong-palapag na gusali, ang abuhing bakod, at itim na tarangkahan. Pinapalis ang kawalang-kulay at kawalang-ingay ng paligid.
Sa una at ikalawang palapag ay walang ibang halaman silang kakumpetensya. Walang taong sumisita. Tanging ang nakaparadang sasakyang itim sa ibaba, ang nakabukas na pinto at bintana sa beranda, at ang katabi nitong bakal na sakayan, ang mga saksi sa kanilang pakikipagsapalaran.
Repulsed Description
Kadalasang walang pahiwatig ng kaganapan sa tatlong-palapag gusali o sa mga nakatira rito. Ngunit minsan isang buwan ay bumubukas ang itim nitong tarangkahang lampas-tao ang taas, upang iluwa sa kalsada ang isang itim na kotseng halos katulad ng sa punebre ang estilo at andar.
Tuwing nagaganap ito’y umiingit ang tarangkahan ng gusali sa kakulangan ng langis at ehersisyo at nag-uunahang magsiliparan ang mga alikabok na kaytagal nang inasam ang bulabugin sila ng paggalaw ng hangin.
Labinlima hanggang tatlumpung minuto ang tatagal bago makalabas sa kalsada ang sasakyan. Paaalisin muna ang puting kotseng halos permanente nang nakaparada sa harap ng tarangkahan ng gusali, magbubuhul-buhol ang trapiko, at sabay-sabay na bubusina ang mga sasakyang maaabala.
Nakamasid lang ang gusali, nakataas ang kilay sa mga nangangahas magreklamo. Walang manghihingi ng paumanhin, maging anino.
Metaphorical Description
Matandang dalaga itong lumang gusaling nakatayo sa gilid ng kalsada. Nag-iisa sa buhay at buhay, nakagayak sa lumang estilo, minsan lamang kung makipaghalubilo. Ikinukubli ng pintura, bakod, at tarangkahan ang mga lihim. Katahimikan ang balabal na panlaban sa lamig.
Ang mga nakabukas na pinto at bintana sa ikatlong palapag ang siya nitong mga mata, nakamasid sa mga pangyayari sa ibaba; ang beranda ang buhok na napalulumpunan ng mayabong na mga bugambilya, kailangang magapi ang mga tinik bago mapitas ang angking ganda.
Lumipas ang mga taon ay walang nangangahas lumapit at makipagkilala.
Binabalutan ito ng agiw at alikabok ng mga alaala.
No comments:
Post a Comment